Ano na ang nangyari sa Antares Programming?

Matagal na walang content ang Antares Programming. Ano na ang nangyari dito?

Gaya siguro ng alam n’yo na, ako lang ang mag-isang nagha-handle ng Antares Programming. Masaya akong gawin ito, pero napakamatrabaho nito. Kailangang gumawa ng mga infographics, videos, articles, at research—lahat ito, isang tao lang ang gumagawa.

Sa nakalipas na mga buwan, naging busy ako sa trabaho ko bilang teacher sa isang private school sa Navotas City. Nag-focus muna ako sa pag-train sa sarili ko kung paano magturo sa harap ng klase. Nakaasa sa akin ang mga batang hawak ko, at ayokong maging isa sa mga teachers na makakalimutan nila pagkatapos ng isang taon dahil wala silang natutuhan. Dahil sa busy ng schedule, nawalan ako ng oras para sa Antares Programming.

Pero ang nature ng trabaho ko bilang teacher ang malaking dahilan kung bakit mas dapat akong maglaan ng atensyon at oras para rito. Tutal, gumagawa na rin naman ako ng learning materials para sa mga estudyante ko, bakit hindi ko na lang ito i-share na rin sa iba nang libre?

Mahirap ang sitwasyon ngayon dahil sa pandemic ng COVID-19, pero binigyan ako nito ng maraming time para maayos na maplano kung saan ko gustong dalhin ang buong project na ito. At sobrang dami kong gustong i-share sa inyong lahat. At nakakatuwa kasi kahit walang bagong content ang Antares Programming, laging may nadaragdag sa mga fans ng Antares Programming Facebook page. At the time of this writing, may 1,076 na na nag-like sa Facebook Page. Salamat sa support ninyo! Malaking bagay ang kahit pagsubaybay n’yo lang sa content na nilalabas ko sa Antares Programming, pero malaking pressure din iyan sa akin para maglabas ng quality content.

Ano ba talaga ang mission?

Sa dalawang taon mahigit na nakalipas pagkatapos kong gawin ang Antares Programming, nagbabago-bago ang sagot ko sa tanong na Ano ang Antares Programming? As it turns out, kaya gano’n kasi hindi ko tiyak mismo kung ano ang Antares Programming. Na-realize ko na kailangan ko ng tiyak na mission statement.

So ano talaga ang Antares Programming? Simula noong nakaraang buwan, ito ang sagot ko:

Ang Antares Programming ay isang project na may goal na mag-provide ng high quality at accessible na learning materials tungkol sa Web development sa wikang Tagalog/Filipino.

Para sa higit pang detalye, tingnan ang About page.

Ang future ng Antares Programming

Kahapon, nagkaroon kami ng internal meeting, at napag-alaman ko na dahil sa pandemic, kinailangang bigyan ako ng dagdag na loads sa klase. Dahil dito, magkakaroon ako ng mas kaunting oras para sa Antares Programming. Pero dahil sa modalities na gagamitin sa education ngayong taon, kakailanganin ko pa ring gumawa ng digital content para sa pagtuturo. Kasama riyan ang written content, mga visual aids, at explainer videos para sa bawat lesson.

Mas kaunti ang time ko para sa Antares Programming, pero sa tingin ko mas maraming content ang paparating. Sa mga susunod na buwan, may ilalabas akong mga videos sa official Antares Programming Youtube Channel.

Kung napansin ninyo, bago na naman ang design ng blog site. Sa tingin ko magtatagal na ito. At bukod sa design, mapapansin ninyo na bago na rin ang account na ginagamit ko sa Github Pages. Preparation kasi ito para sa goal natin na maka-avail ng sariling domain name para maging mas maikli ang mga URLs at mas madaling tandaan. Dahil libre naman ang Github Pages, hindi tayo magkakaroon ng problema sa hosting.

Sa Setyembre ng taong ito rin, gaya siguro ng nakita ninyo sa isang Facebook post ko, may paparating na bagong project ang Antares Programming. Ito ay ang Courses. Nilahad ko na rin ang details niyan sa isang post. Basically, isa itong feature sa site na ito. Magkakaroon ng courses na may mga lesson. Puwedeng i-download ang videos, code na ginamit, at mga written content. Ang focus nito ay turuan ang mga mambabasa tungkol sa mga development at programming topics pero sa Tagalog/Filipino, para mabawasan ang friction gawa ng technical terms at jargons.

Kung paano ka makakatulog

Hindi na rin sikreto na malaki rin ang gastos sa pagme-maintain ng Antares Programming. Pero maluwag sa kalooban ko na maglabas ng pera; tutal, ito ang passion ko. Pero magiging malaking tulong ang support ninyo financially. Sa hinaharap, magkakaroon ng Patreon page ang Antares Programming. Pero saka na, kapag natiyak ko na na gusto ninyo ang mga content na nilalabas ko.

Karamihan din sa inyo, hindi alam na tumatanggap ako ng guest posts! Oo! May alam ka ba tungkol sa programming? Puwede kang tumulong na magdagdag ng content sa Antares Programming blog. Open sourced ang code ng Web site na ito sa Github. Inaayos ko pa ang mga details ng code ngayon, kaya wala pang instructions kung paano makakapag-contribute ng articles. Kaya pansamantala, puwede kang mag-send ng message sa Facebook page ng Antares Programming kung gusto mong mag-contribute ng content.

Conclusion

Malaking trabaho ito, pero dahil sa support ninyo, at sa dumaraming supporters kahit sa time na walang content ang Antares Programming, naniniwala ako na nagugustuhan ninyo kung saan papunta ang project na ito. Salamat sa support ninyo! Sana suportahan n’yo pa rin ako sa natitirang mga buwan ng 2020, at siyempre sa mga susunod na taon din. Protect yourselves, keep safe, and wear your masks!