<address>: Ang Contact Address Element

Ang HTML tag na ito ang ginagamit para i-mark up ang contact information ng isang tao o organisasyon.

Ang <address></address> ang ginagamit para i-mark up ang contact information ng isang tao o organisasyon.

<address>
Francis Rubio<br />
<a href="mailto:devFrancisRubio@gmail.com">✉️ Email</a><br />
<a href="tel:+13115552368">📞 (311) 555-2368</a>
</address>

Details

Nire-represent ng address element ang contact information para sa isang article element o para sa body element. Kapag nasa loob ito ng body element pero wala ito sa loob ng isang article element, nire-represent nito ang contact information para sa buong webpage.

Puwedeng gumamit ng kahit na anong format ang content sa loob ng address element. Puwede itong magkaroon ng kahit anong contact information gaya ng address ng bahay o opisina, email address, mobile o telephone number, usernames sa mga social media networks, geographic coordinates, at iba pa. Siguruhin lang na kasama sa loob ng address element ang pangalan ng tao, grupo, o organisasyon na tinutukoy ng address element.

Puwedeng gamitin ang address element sa maraming contexts, gaya ng contact information ng isang negosyo na nakalagay sa header ng webpage.

Puwede rin itong gamitin para i-mark up ang pangalan ng author kung ilalagay ang address element sa loob ng article element.

Hindi dapat gamitin ang address para i-mark up ang mga contact information na wala namang kinalaman sa buong webpage o article element. Halimbawa, hindi ginagamit ang address para i-represent ang office address ng isang taong na-mention lang sa article. Para sa ganitong kaso, puwedeng gamitin ang p element.

Hindi dapat magkaroon ng ibang laman ang address element maliban sa pangalan at contact information ng tao, grupo, o organisasyon.

Kung ginagamit mo ito para i-mark up ang author ng article, huwag isama rito ang publication date ng article. Mas akmang gamitin ang <time></time> element para sa publication date at iba pang petsa.

By default, pare-parehas ang styling ng <i>, <em>, at <address>. Pero tandaan na meaning ang dapat nating tingnan kapag pumipili ng HTML tags na gagamitin. Gamitin ang i para sa mga text na iba kumpara sa context nito. Gamitin ang em para lagyan ng emphasis ang isang salita, phrase, o pangungusap kapag binabasa ito. Gamitin ang address para i-mark up ang contact information ng tao, grupo, o organisasyong may-ari ng webpage o sumulat ng article.

References

<address>: The Contact Address element

The <address> HTML element indicates that the enclosed HTML provides contact information for a person or people, or for an organization.

MDN Web Docs

HTML Standard

4.3.10 The address element

HTML Living Standard

HTML 5.2: 4.4. Grouping Content

4.4.2. The address element